LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Pormal nang binuksan ang Private Schools Athletic Association (PRISAA) MIMAROPA Regional Games para sa taong 2023 noong Marso 9. Nagsilbing host school ngayong taon ang Divine Word College of Calapan (DWCC), Oriental Mindoro kung saan gaganapin ang iba’t-ibang uri ng larong palakasan gaya ng basketball, volleyball, badminton, track and field, soccer at iba pa.
Dinaluhan ito ng 11 pribadong kolehiyo mula sa iba’t-ibang panig ng rehiyon kung saan umabot sa mahigit 1,000 atleta ang maglalaro sa iba’t-ibang larangan ng palakasan sa tatlong araw na gawain mula Marso 9 hanggan 11. Ang mga paaralang kalahok para ngayong taon ay ang Divine Word College of Calapan; Eastern Mindoro College, Inc., Grace Mission College; Bansud Institute, Agustin Guitierrez Memorial Academy; John Paul College, Clarendon College; Mina De Oro Institute of Science and Technology, Paradigm College of Science and Technology, Divine Word College of San Jose, at San Jose Adventist Academy.
Irerepresenta naman ng mga mananalong paaralan ang rehiyon sa isasagawang National PRISAA sa Hulyo.
Samantala, bagama’t kasalukuyang kinakaharap ng lalawigan ng Or. Mindoro ang problema sa oil spill sa mga karagatan dahil sa paglubog ng MT PRINCESS EMPRESS, isiniguro ng gobernador sa pagdalo nito sa pagbubukas ng PRISAA 2023 na patuloy pa rin na susuportahan ng pamahalaan ang mga programa at proyektong pangkabataan upang higit na malinang ang kakayahan at kasanayan sa iba’t-ibang larangan. (JJGS/MIMAROPA)
